𝗨𝗽𝗱𝗮𝘁𝗲 𝘀𝗮 𝗹𝗶𝗻𝗱𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗔𝗯𝗿𝗮: 𝟮𝟮𝟲 𝗻𝗮𝗽𝗶𝗻𝘀𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗲𝘀𝗸𝘄𝗲𝗹𝗮𝗵𝗮𝗻 𝗺𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻𝗴𝗮𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝟭.𝟯 𝗯𝗶𝗹𝘆𝗼𝗻 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗿𝗲𝗵𝗮𝗯𝗶𝗹𝗶𝘁𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻, 𝗺𝘂𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝘁𝗮𝘁𝗮𝘆𝗼
LUNGSOD NG PASIG
Hulyo 29, 2022 – BULLETIN #3 – Ibinahagi ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) nitong Biyernes ng hapon na kasalukuyang mayroon 226 na napinsalang eskwelahan mula sa 9,539 na apektadong eskwelahan, ayon sa pinakabagong field report.
Batay sa pinakahuling impormasyon mula sa Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), mula ang 226 na napinsalang eskwelahan sa Cordillera Administrative Region na may 132, Ilocos Region na may 49, Cagayan Valley Region na may 25, Central Luzon Region na may 18, at tig-isang eskwelahan mula sa Rehiyon ng CALABARZON at National Capital Region.
Sa mga natukoy na eskwelahan, 422 silid-aralan ang lubusang nasira habang 636 na silid-aralan ang bahagyang nasira.
Alinsunod dito, tinatayang P1.298 bilyon ang kinakailangan para sa pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga napinsalang paaralan.
Samantala, karamihan sa 3,536 na mga eskwelahan na nagdeklara ng suspensiyon ng trabaho pagkatapos ng lindol ay nakabalik na nitong Huwebes, Hulyo 28.
Bukod sa patuloy na pagtugon sa kalamidad, ginamit ng Education Facilities Division ng Kagawaran ang mga inhinyero mula sa Rehiyon 2 upang dagdagan ang mga manggagawa ng CAR at Rehiyon 1 para sa structural assessment ng mga eskwelahan. Dumalo rin ang mga kinatawan ng DepEd Central Office sa Camp Coordination and Camp Management (CCCM) at Internally Displaced Person Protection (IDPP) cluster meeting para talakayin ang mga isinasagawang response operations at reporting arrangements.
Dagdag dito, ang National Education Cluster Partners ay nagsagawa ng rapid assessment ng mga pinsala at agarang pangangailangan at tinukoy ang mga rehiyon o dibisyon na nangangailangan ng Psychological First Aid (PFA).
#SulongEduKalidad #DepEdPhilippines #DepEdTayo